President's radio address to the nation

December 6, 2003

       Sa nakaraang linggo ay nakita natin ang maraming positibong kaganapan na bunga ng ating lalong pinaigting na pagpapatupad ng batas. Kamakailan may nabawing biktima ng pag-kidnap at nahuli ang mga kidnapper. Bago ito, carnapper, kidnapper, bank robber ang napatay sa ingkwentro ng mga awtoridad. Naka-raid na naman ng mga laboratoryo ng shabu. Mahigit sampung bilyong pisong halaga na ang mga nakumpiska natin at libo-libong pushers, kasama ng ilang drug lords ang nahuli at nasampahan ng kaso. Ito ang pinakamagandang naitala sa kasaysayan ng ating laban kontra sa illegal na droga.

       Ang ganitong paglilinis sa ating law enforcement ay ginagawa na rin ng National Anti-Kidnapping Task Force o NAKTAF, kaya may magandang resulta sa ating paglaban kontra sa kidnap for ransom. Mabigat ang labanang ito pero malaki ang ating tiwala sa suportang binibigay ng mga mamamayan. Ang ating stratehiya ay nagtatagumpay na at pati ang ating mga patrol ay nagbibigay ng magandang resulta. Naagapan natin ang pagtaas ng krimen at ipagpatuloy natin ito sa ibayong pagsisikap upang manatili ang kaayusan at katahimikan.

       Hinihiling ko sa ating mga kababayan na kung may kahina-hinalang mga pagkilos sa inyong kapaligiran, ipagbigay alam agad ito sa mga kinauukulan. Salamat doon sa mga nakakita ng mga taong kamukha doon sa litratong pinakita ng mga wanted for kidnapping, dahil sa kanila mayroon tayong mga nahuling malalaking kidnapper.

       Maging sa mga checkpoints tsi-checkin natin na ang mga nagsasagawa nito ay mapagkakatiwalaan at handang makipagtulungan sa mga nanunungkulan sa komunidad. Kung hindi sila naka-uniporme at walang name plate isumbong agad sa mga awtoridad.

       Isa din sa ating mga pinagkakaabalahan ngayong linggo ay ang pagpapatuloy ng re-organisasyon ng ating pulis. Isa itong hakbang para lalong lumakas ang ating kampanya laban sa iba’t-ibang uri ng krimen. Matagal ng nakaplano ang re-organisasyong ito. Ito ay isang stratehiya sa pagsugpo sa mga pangunahing krimen sa ating paligid, tulad ng kidnap for ransom, drug trafficking, terrorism, carnapping at iba pa. May mga nababalitang scalawags in uniform, na sangkot sa kriminalidad, kaya patuloy nating nililinis ang hanay ng mga kapulisan, para matiyak na iyon lamang may integridad ang maiiwan sa organisasyon.

       Ang pag-papairal ng integridad sa ating mga lingkod bayan ay hindi lamang natin itinataguyod sa ating mga pulis, kundi sa lahat ng mga ahensya, lalo na ang mga ahensyang maselan kagaya ng BIR at Customs. Ang koleksyon ng BIR ay patuloy na tumataas, dahil nga sa ating mga lifestyle check at saka iyong mga systems improvement. Ang BOC, dahil sa matagumpay nating anti-smuggling campaign, ay tumataas rin ang koleksyon.

       Ang gumagandang imahen ng ating pamahalaan, ay isang dahilan kung bakit nakaraos ang ating ekonomiya, hambing sa ibang bansa at hambing sa mga nakaraang anim na taon. Ang investments ay tumaas ng 22% at inaasahan natin na pagkatapos maitayo iyong mga pabrika at mga call centers ay dadami ang trabaho.

       Isulong natin ang reporma at pagkakaisa, serbisyo at mabungang gawain. Ang mga bagay na ito ay magtatagumpay kung patuloy tayong magtutulungan. Sa pamamagitan nito ay makakatiyak tayo ng kaligtasan at katiwasayan, na magbibigay daan sa pambansang kaunluran.

       Maraming salamat.

 

- President Bush's speech during the Joint Session of Congress
- PGMA's SONA 2003

HOME