President's radio address to the nation December 27, 2003 Mga kababayan, nais kong pasalamatan ang lahat ng tumulong sa mga biktima ng kapahamakan sa Southern Leyte at iba pang bahagi ng Katimugan. Kasama rito na mga nagtulong ang iba’t-ibang indibiduwal at organisasyon, pati na ang United Nations at maraming bansa, tulad ng Estados Unidos, Alemanya, Hapon, China, na mabilis na nagpadala ng tulong sa mga apektado nating kababayan. Sa maikling panahon ng aking pagka-presidente, napalapit tayo sa mga ibang bansa kagaya ng Amerika at sila ngayon ay naasahan natin ng malaking tulong. Kasama na rito, hindi lamang ang tulong sa sakuna kundi na rin ang foreign investments, mga importanteng imprastraktura at tungo sa kakayahan ng mga indibiduwal. Kailangan natin itong mga bagay upang makamit ang mga batayang hangarin ng karaniwang pamilyang Pilipino. Sa aking paglilibot sa buong bansa, sa aking pagkukwento sa karaniwang pamilyang Pilipino, naunawaan ko ang kanilang mga hangarin, pagkain sa bawat mesa, trabaho, tahanang tiyak, kalusugan, edukasyon para sa mga anak. Pagkain sa bawat mesa ng pamilyang Pilipino ang ating hangarin kaya’t ginawa ko sa aking maikling panahon bilang Pangulo ang pinakamalawak na programang irigasyon sa buong kasaysayan ng Pilipinas. Sa huling bisita ko nga sa Hapon, pinangako sa akin ni Prime Minister Koizumi, na popondohan nila ang irigasyon sa Pangasinan na manggagaling sa tubig ng San Roque. Pagkain sa bawat mesa ng pamilyang Pilipino ang ating hangarin kaya dinala ko ang teknolohiyang nahanap ko sa China, na nagdodoble, triple, ng ani ng mga magsasaka ng palay. Ito ay nadala natin sa 100 libong ektarya, kaya umangat ng husto ang ting mga palayan, ngunit kulang pa iyon. Sa susunod na ilang taon, madadala natin itong magandang binhi sa 500 pang libong ektarya. Ito ay bunga na rin ng aking karanasang nakahanap ng tamang binhi at bunga na rin na tayo’y malakas sa mga importanteng bansa, gaya ng China. Hangarin ng karaniwang Pilipinong pamilya ang ating pinagdidiriwang sa Kapaskuhan. Inaasahan natin na sa Bagong Taon, lalong dadami ang trabaho, na siyang hangad rin ng karaniwang mamamayang Pilipino. Bunga ng inangat ng investment ng taon na 26%, ito ay nakamit natin kahit na naghihirap ang mundo, rehiyon, at kahit na maraming nagbabatikos sa akin sa loob ng ating bansa. Palagay ko po bunga na rin na sinikap kong maging kaibigan ang Amerika at iba pang bansa na nakakapagdala ng investment sa ating bansa. Marami tayong mga call centers na pumasok. Ang Ford Motors ay gagawa ng sasakyan sa ating bansa. Ang Intel, Texas Instrument at iba pang electronic company ay dinadagdagan ang kanilang mga investments; telephone companies ay nagdadagdag din ng kanilang puhunan, kaya nga ang daming karaniwang pamilya ang may cellular. Ang SM at iba pang mga regional companies ay sunod-sunod ang pagtayo ng bagong mall at tindahan. Pati na rin ang maliliit na negosyante ay maraming nakahiram ng puhunan, bunga na rin ng pinahiram sa atin ng IFC, ang International Finance Corporation, na naka-head quarters sa Washington D.C. Itong maikling panahon na ako ay Pangulo, humarap tayo sa pagsubok kagaya ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at tayo ay nakaraos. Ang pagtutulungan at pagdadamayan ay mga katangiang Pilipino na siya pangunahing dahilan kung bakit patuloy nating nalalampasan ang mga pagsubok sa ating pambansang katatagan. Unity and sacrifice have been our great virtues. Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng mga maraming hamon nating naranasan ngayong taon, kagaya ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS), digmaan sa Iraq, terorismo at iba pa, nanatiling matatag ang ating ekonomiya, may pagkain sa bawat mesa, hindi tumataas ang presyo ng isda at bigas na kinakain ng karaniwang mamamayan at napaayos natin ang edukasyon. Inayos natin ang math, science at Ingles para mas maraming trabaho ang makuha ng ating mga anak at siya nga bilang investments na sana sa darating na taon ay magbibigay ng trabaho. Mga kaibigan, itong Bagong Taon, ituloy natin ang ating pagkakaisa. Maraming salamat at sana ay maging masagana at mapayapa ang Bagong Taon para sa ating lahat! Thank you.
-
President's radio address,
December 6, 2003 |