President's radio address to the nation January 3, 2004 Mga kababayan, Manigong Bagong Taon sa inyong lahat. Ayon sa isang kilalang survey group, ang karamihan ng ating mga kababayan ay sinalubong ang Bagong Taon na tigib ng pag-asa, salamat sa Panginoon. Sana ito ay senyas ng malakas na simulang nagawa ko sa maikling panahon ng aking pagkapangulo. Napaikot natin ang ekonomiya at napatatag ang kaguluhang minana natin. Ipinaglalaban ko ang pagbabago para sa karaniwang Pilipino. Maging ang kalakasan ng aking foreign policy ay nagbibigay ng kumpiyansa sa mga bansang namuhunan sa ating bansa para lumikha ng trabaho at maitaas ang suweldo ng karaniwang Pilipino. Senyas ng kalakasan ng ating foreign policy na ginagamit natin para lumikha ng trabaho ang Pilipino ay nakuha natin ang isang puwesto sa United Nations Security Council. At ang pinakamakapangyarihang lider ng mundo, ang Pangulo ng Amerika, ay nagbisita rito. Ginawa tayong isang pangunahing kakampi ng Amerika.Amerika. Ito ay nagbibigay rin ng higit na proteksiyon para sa ating mga OFWs. Halimbawa, hinarap natin ang giyera sa Iraq sa pamamagitan ng pagbubukas ng linya ng komunikasyon sa mga pamilya upang sila ay makapag-usap at mabawasan ang pangamba. Ngayon at nahuli na si Saddam Hussein, sa madaling panahon puwede na itayo muli ang ekonomiya ng Iraq at mga kakampi kagaya ng Pilipinas ay makikinabang sa dagdag na trabahong malilikha dito. Sa maikling panahon din ng aking pagkapangulo nakamit natin ang wala pang kapantay sa pagsulong sa pabahay, laban sa katiwalian, at kalinga ng kalusugan. Nagtayo tayo ng depensa laban sa SARS sa pamamagitan ng pangangalaga sa bawa’t Pilipino sa loob at labas ng bansa, at ng pagtulong sa isa’t isa upang mapigilan ang paglaganap ng karamdaman. Sa ating pagpalawak ng Phil-Health ngayon nakararami na sa ating pamilyang Pilipino ay sakop na ng health insurance. Ito ay down payment at hindi ako kuntento, dapat universal health insurance o lahat ng pamilya sakop sa Phil-Health sa mga darating na taon. Ganoon din ang presyo ng gamot. Nahati natin ang presyo ng maraming gamot na karaniwang binibili ng mahihirap na binibenta sa mga ospital ng pamahalaan. Ito rin ay pawang down payment, hindi ako kuntento dapat lahat ng gamot na karaniwang binibili ng mga mahihirap ay nabibili sa nahating presyo kahit na saan. At ito ay gusto nating mangyari sa mga darating na panahon. Kailangan din ang political will at liderato upang makaraos sa mga puwersang gustong hatiin tayo. Nasupil natin ang tangkang kudeta ng wala pang isang araw, gamit ang bisa ng batas na suportado ng kagustuhan ng nakararami, o popular will. Nilutas natin ang nakaambang krisis konstitusyonal mula sa impeachment case laban sa Chief Justice sa pamamagitan ng pagkakasundo ng mga institusyon sa demokratikong paraan. Ang ating laban po sa terrorismo ay maraming nagawa na hindi mapapantayan. Ang ating kampanya laban sa droga at kidnapping ay nakapagdulot ng mga resulta na nagbalik sa pananalig sa batas ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang antas ng lipunan. Ang mga Pilipino ay sumikat sa mga natatangi at dakilang paraan. Si Manny Pacquiao ay nanalo sa kanyang kampeonato. Nagwagi tayo ng halos dalawang daang medalya sa Southeast Asian Games. Sinundan ang napakarami ring medalya sa Asian Games. Nakuha ni CJ Suarez ang Bowling World Cup. Ang ating mga kababaihan at kabataang golpista ay sikat din sa mga pananalo. Mga atleta, manunulat, lider ng simbahan. Guro, sundalo at maraming iba pang magigiting na kababayan ang bumuo sa tapestry ng kahusayan nitong nagdaang taon na nagbigay dahilan upang tayo ay magmalaki at magpasalamat na maging Pilipino. Ang mga relief workers sa Southern Leyte ay kinaligtaan na ang Pasko kasama ng kanilang mga pamilya, kagaya rin ng ating peacekeeping team sa Iraq at milyun – milyong overseas workers, gayundin ang sundalo sa larangan ng labanan at mga pulis na nagbabantay sa checkpoints sa lahat ng oras. Ang taong 2004 ay may pangako ng pag-asa, at ang ating mga downpayment na pagbabago ay dapat masundan ng installment na wala pang kapantay na pagbabago na gawin tayong higit na ligtas at palakasin ang ating mga pamilya at pupuksain ang katiwalian. Ako ay nagpapasalamat sa ating mga natamasa sa mga nakalipas na taon. Inilalagay sa kamay ng Panginoon ang bukas para sa pamilya at bansang Pilipino. At humihingi ng grasyang gawin ang utos ng Diyos sa aking tungkulin. Bagong Taon, bagong kinabukasan…Ipaglaban natin ang dapat wakasan ang paghihirap. Maraming salamat sa inyong lahat.
-
President's radio address, December 27, 2003 |