Talumpati para sa Araw ng Samar
A speech
delivered by 8ID chief MGen. MARIO F. CHAN on the occasion of the 15th
Samar Day Celebration on August 11, 2011 at the Capitol Grounds
Ang pagdiriwang ng
kaarawan, tulad ng ginagawa natin ngayon ay isang pagkakataon upang
tingnan, lasapin at tasahin kung nasaan na tayo at kung ano ang mga
pagbabagong naganap mula noon hanggang ngayon. Ito po ang ibig sabihin
ni Gat Jose Rizal.
Para marating natin ang gusto nating marating, kailangan pong
balikan natin kung saan tayo nanggaling at kung papaano tayo tumatawid
mula doon.
Sa pagkakataong ito,
gusto kong magsalita, hindi lamang bilang isang Heneral ng Philippine
Army, kundi bilang isa ring mamamayan na tulad ng nakakarami,
nangangarap ng isang lipunang tunay na masagana at mapayapa. At tulad
din ng nakararami, kailan man ay hindi ako nagsawang mangarap na
baling araw giginhawa ang mamamayang Pilipino at magkaroon ng
kapayapaan sa bawat tahanan at pamayanan.
Ang isla ng Samar, at
ang mga lalawigang nasa loob nito, ay kasama sa mga tinaguriang mga
mahihirap na pamayanan. Ayoko nang banggitin kung pan-ilan tayo sa
listahan ng mahihirap na lalawigan. Sapat na para maalaala natin na
kasama tayo sa listahan.
Sa totoo lang, may
staitistics man, ot wala, ang pang araw-araw na karanasan ng mga
Samarenyo ay sapat upang ipahiwatig sa atin na matindi nga ang
kahirapan sa lugar natin. Kaya siguro nakakapag recruit ang CPP-NPA
para sa kanilang armadong pakikibaka ay dahil sa kalagayang ito.
Kung kahirapan ang
nagtulak sa iilan sa atin upang sumanib sa armadong pakikibaka ng
kilusang komunista, di po ba’t ang dapat nating gawin ay paunlarin ang
kabuhayan ng mga mamamayan upang wala nang sasama pa sa kilusan nila,
at maging ang mga nasa loob ay aalis na at iwanan na nila ang kilusan?
Pero paano po ba natin
paunlarin ang Samar at ang pamumuhay ng mga mamamayan dito? May
formula ba na kailangang malaman upang mangyari ito? Bakit mistulang
napag-iwanan tayo ng ibang mga probinsiya sa loob ng rehiyon? Ano ang
meron sila na wala sa
Samar?
Sa paniniwala ko po,
sapat na ang mga umiiral na batas upang magamit bilang pamantayan sa
pagpapaunlad ng buhay at kabuhayan ng bawat pamayanan. Sa saligang
batas po ay malinaw na isinalarawanang mahigpit at dinamikong ugnayan
ng arikultura, repormang pansakahan at kaunlarang industriyal.
Upang magkaroon ng
batayan sa pag-unlad ng mga industriya, kailangan palaguin ang hanay
na agrikultura. Upang makamit ang sabay-sabay na pag-unlad ng
kanayunan at kalunsuran, kailangang iangat ang antas ng produktibidad
sa kanayunan at ang isang napakahalagang kailangan gawin dito ay ang
lutasin ang problema sa monopoliyo sa lupa sa anyo ng repormang
agraryo at repormang pansakahan.
Kung ito rin lang ang
pag-uusapan, matagal ng nailatag ng gobyerno ang mga batayang
pundasyon upang magawa ang lahat ng ito.
Ibig sabihin na ang
mga kinakailangang mga patakarang legal upang makamit ang panlipunang
kasaganahan ay nandiyan na. Kailangan na lang nating gawin.
Pero paano nga natin
paunlarin ang Samar?
May batayan ba kung
sabihin natin na paunlarin natin ang turismo? Kung may batayan, may
mga plano at programa na ba para dito?
May batayan ba kung
sabihin natin na paunlarin natin ang agrikultura sa kabila ng
katotohanang ang Samar ay madalas dinadaanan ng bagyo? Kung may
batayan, may malinaw ba na plano at programa para dito?
May batayan ba kung
sabihin natin na paunlarin ang industriya lalo na ang sector ng
manufacturing? Kung may batayan, may mga plano na ba at programa para
dito?
Kung inyo pong
napansin, lahat po ng kailangang gawin upang paunlarin ang isla ng
Samar ay magmumula sa isang malinaw na plano at programa – isang plano
at programa na angkop sa kalagayan at pangangailangan, at malinaw kung
sino ang makikinabang: ang totoong bayan.
Dito po mahalaga ang
usapin ng pamumuno at pamamahala o leadership and management.
Pasensiya na po kung sabihin natin na ang kailangan dito ay
political will. Kung meron man pong politically-relevant phrase na
masyado nang naabuso, political will po yun.
Ang gusto ko lang
sabihin na malaki ang hamon para sa mga namumuno at namamahala ng mga
probinsiya sa isla ng Samar. Pangunahin po dito ang mga namumuno sa
mga pamahalaang local. Pero kasali din po dito ang mga namumuno sa
iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, at maging ang mga pangunahing
seksyon ng lipunang sibil o civil society at pribadong sector.
Sa panahong ito,
mahirap na pong kumilos na nag-iisa. Di po kakayanin kung paisa-isa
nating solusyunan ang mga problemang kinakaharap. Di po okay kung
kanya-kanya. Kung ang mga suliraning panlipunan ay magkakaugnay sa
iba’t ibang anyo at antas nito, di po ba’t ang kailangang solusyon ay
magkakaugnay na gawain at magkakaugnay na mga tunguhin?
Kung gusto po nating
lutasin ang matumal na kalakalan sa kalunsuran, iangat po natin ang
kakayahang bumili (purchasing power) ang mga tao sa kanayunan.
Para po mangyari ito, kailangan lumawak at umangat ang
produksiyon; kailangan pong itayo ang mga kinakailangang imprastuktura;
kailangan pong magbuhos ng mga suportang serbisyo para sa maunlad na
produktibidad. At dito sa layuning ito, maging ang inyong mga sundalo
ay may papel na dapat gampanan.
Kailangan pong
magkaroon ng trabaho ang mamamayan – mga trabahong dito mismo sa
Samar natin ibibigay at hindi sa Metro Manila, sa Hongkong, o sa
Dubai. Sa totoo lang, humihina ang ekonomiya sa daigdig.
Tumitindi ang krisis sa Estados Unidos. Tumitindi po ang krisis sa
Europa. Kung meron mang ekonomiya na umaanagt ngayon, halos Tsina at
India na lang
po, kung ang pagbabatayan ay ang GNP ng mga bansa. Maging ang welfare
states sa Europe tulad sa mga Scandivian countries ay matindi ang
kinakaharap na mga problemang pang-ekonomiya. Kinakaharap po ng
pandaigdigang ekonomiya ang mga phenomenon na kung tawagin ng mga
ekonomista ay yugto ng decadence na ang pangunahing katangian ay ang
magkakasunod na economic recession sa iba’t ibang panig ng mundo. At
hirap po ang lahat na hanapin ang solusyon para dito.
Ibig pong sabihin, sa
darating na mga taon, hindi na po natin maasahan ang export ng lakas
paggawa upang maibsan ang problema sa kawalan ng hanapbuhay sa bansa.
Kailangan na pong pag-isipan ng maigi kung papaano tayo makalikha ng
mga oportunidad para magkaroon ng hanapbuhay ang taong bayan dito
mismo sa atin.
Kaya ko po sinasabi
ang lahat ng ito ay dahil na rin sa malinaw na ugnayan ng kaunlaran at
kapayapaan. Hindi po natin makakamit ang kapayapaan hangga’t hindi po
malinaw kung papaano natin pauunlarin ang kabuhayan ng mga mamamayan.
At para po sa kagaya
kong may mahalagang papel sa pamumuno at pamamahala, huwag po nating
sabihin na para umunlad ang Samar ay kailangang magsakripisyo ang mga
mamamayan. Sa totoo lang, ang kahirapan po ay isang malaking
sakripisyo kaya ang mamamayan natin ay matagal na pong nagsasakripisyo.
Baka po sa panahong
ito, tayo ang dapat magsakripisyo. At isang sakripisyo po na kailangan
nating gawin ay ang unahin at laging isaalang-alang ang interes at
kapakanan ng taong bayan. Huwag po nating hayaan na ang ating interes
ay maging balakid upang matugunan ang interes ng nakakarami.
Naniniwala ako na kaya
ng Samar na umunlad gamit ang mga likas yaman na nasa
Samar. Pero mangyayari
lang po ito kung magpupunyagi ang lahat lalong-lalo na ang mga
namumuno at namamahala. Makakamit po natin ang isang tunay na
masaganang lipunan kung susunod tayo sa matuwid na daan na
siyang isinusulong ng ating mahal na Presidente.
Pero maliban sa
matuwid na daan, kailangan po nating isulong ang mga proyekto at
programang pangkaunlaran na nakabatay sa ating kakayahan at kakkayahan,
at tumutugon sa pangangailangan ng ekonomiya at pamumuhay ng taong
bayan. At magaggawa ang lahat ng ito kung tayong lahat ay
magtutulungan.
Ito po sa tingin ko
ang panimulang hamon para sa ating lahat. Kaya ba nating magtulungan
ng buong puso upang itaguyod ang panlipunang kaunlaran? Kaya ba nating
isantabi ang pampulitikang dinamismo na kontra-produktibo sa pag-unlad
ng taong bayan?
Ako po ay isang
sundalo at isang mamamayan. Naniniwala po ako na hangga’t hindi tayo
nagtutulungan, wala pong mangyayari`sa ating mga matatayog na pangarap.
Bilang isang sundalo, nakahanda akong gawin ang lahat ng aking
makakaya upang maitaguyod ang interes ng nakakarami para sa isang
maunlad at mapayapang lipunan.
Sa paniniwala ko, ito
rin po ang hamon ng bawa’t isa sa inyo. At alam ko na kasing tayog ng
mga pangarap ko ang mga pangarap ninyo para sa bayan, para sa SAMAR.
Sa pagdiriwang
natin ng ARAW ng SAMAR ngayon, gawin po nating handog sa kanya ang
panata para sa pagtutulungan.