Eulogy for Mayor
Reynaldo Uy
By Rep. TEDDY CASIÑO, Bayan Muna
May
20, 2011
Sa ngalan ng Bayan
Muna at ng iba pang party list sa ilalim ng Makabayan Coalition - ang
Gabriela Women's Party, Anakpawis, Act Teachers at Kabataan Partylist
- pati na rin ang kanyang mga dating kasamahan sa Kongreso, nais kong
iparating ang aming taus-pusong pakikiramay sa kabiyak ni Mayor Rey na
si Jojie, mga anak na sina Aika, Jimjim, Joey at Jeca, kanyang mga
kamag-anak at kaibigan, at buong mamamayan ng Calbayog at Western
Samar. Hindi kayo nag-iisa.
Kasama n'yo kami at
ang sambayanang Pilipino sa pagluluksa at paghangad ng hustisya para
sa ating iginagalang at pinakamamahal na mayor at dating kasama ko sa
Kongreso.
Bigyan natin ng
pinakamataas na pagpugay si Mayor Ining - doktor ng bayan, lider ng
progresibong kilusan, three-term congressman ng unang distrito ng
Western Samar, Mayor ng Calbayog, at ngayo'y martir ng sambayanang
Pilipino. (Palakpakan po natin si Mayor Uy.) Mabuhay ka, Mayor
Reynaldo S. Uy! Ang alaala mo'y nakakintal sa aming mga puso.
Si Rey ay nakasama ko
sa Kongreso mula 2004 hanggang 2010. Ako noon ay nasa Minority at siya
naman ay nasa Majority. Kahit na siya'y nasa kampo ng administrasyon,
madalas niya akong sulsulan na magsalita laban sa mga katiwalian at
pang-aabuso ng gobyerno ni dating pangulong Arroyo. Ipinaubaya na niya
sa amin ang laban sa mga usaping national dahil mas malaki ang labang
hinaharap niya sa sarili niyang lugar dito sa Samar.
Sa puso't
prinsipyo, isa siyang tunay na aktibista - may puso't damdamin para sa
masa at sa bayan.
Nasaksihan namin ito sa kanyang consistent na paglantad at paglaban sa
extrajudicial killings, mga pagdukot at sapilitang pagkawala, at iba
pang human rights violations na kinasasangkutan pangunahin ng mga
militar at pulis. At nang siya'y nag-mayor, nakita naman ito sa
kanyang patuloy na pagsisikap na linisin at baguhin ang pulitika sa
kanyang lalawigan.
Palaging
ipinagmamalaki sa akin ni Rey ang kanyang nakaraan bilang aktibista at
lider ng Bagong Alyansang Makabayan. Ang malapit na pagkakaibigan nila
ni Dr. "Bobby" de la Paz na katulad niyang nagsilbi sa mga mahihirap
na Samareño sa halip na mangibangbayan. Katulad niya, pinatay din si
Dr. de la Paz noong panahon ng diktadurang Marcos. Nakakagalit isipin
na ilang dekada matapos mapatalsik si Marcos at maibalik ang
demokrasya, nangyari kay Doc. Rey ang nangyari kay Doc. Bobby. Ngayon
pa, na ang Presidente ng bansa ay anak ng isa ring biktima ng
pagpaslang.
Lumaki
ang paghanga ko kay Congressman Rey nang nanindigan siya laban kay
Gen. Jovito Palparan nang magkalat ito ng lagim sa Samar at Leyte.
Iilan lang silang naglakas loob na suwayin ang tinawag niyang "berdugo
ng Samar" sa isang hearing sa Kongreso.
Kahit
nang maging partylist congressman na si Palparan, hindi siya
tinantanan ni Rey. Nang akusahan siya ni Palparan, sa isang privilege
speech, na siya daw ay may mga pinapatay dito sa Samar, nag-privilege
speech din si Rey upang pabulaanan ang mga kasinungalingan at isinama
pa niya sa Kongreso – buhay na buhay – ang mga sinasabing pinapatay
niya. Napahiya at hindi na nagpakita si Palparan at biglang nagbiyahe palabas
ng bansa. Ganyan katapang si Rey.
Ipinaglaban niya ang
mga biktima ng karahasan.
Sino ang
mag-aakalang siya mismo ay magiging biktima ng pagpaslang?
Kaya
naman napakalaki ang ating panghihinayang sa kanyang pagkamatay.
Bihira ang mga opisyal na may tunay na malasakit sa mahihirap at
inaapi, na may paninindigan at lakas ng loob na sabihin ang totoo at
ipaglaban ang tama, na may malinis na hangarin at likas na pagmamahal
at paglilingkod sa bayan. Ang mga katulad nila, ang mga katulad ni
Rey, ang gustong patahimikin at patumbahin ng mga masasamang loob at
sakim sa kapangyarihan.
Palibhasa, akala nila'y tatahimik at titiklop ang taumbayan kapag
pinatay nila si Mayor Uy. Akala nila, mababaon na lang sa limot at
takot ang kanilang mga kasamaan. Akala nila, madadala rin sa libingan
ang mga prinsipyo at adhikain ni Mayor Uy. Pwes, sori na lang sila.
Nagkamali sila ng pinatay.
Sa ginawa
nilang ito, lalong titibay ang pagkakaisa ng mga Samareño. Lalong
uugong ang boses ng pagbabago. Lalong mayayanig ang kanilang mga kampo
at palasyo. Sa pagpatay nila kay Mayor Ining, binuhay nila ang kanyang
diwa sa bawat-isa sa atin. Ngayon, hindi na lang si Ining ang kanilang
katatakutan kundi ang libu-libong naniniwala sa kanyang sinimulang
laban.
Muli, pinakamataas na
pagpugay kay Mayor Reynaldo S. Uy!
At sa ating lahat,
tuloy ang laban, makibaka, huwag matakot!
Salamat po.