Isang negosyante,
malupit at mapagkunwaring warden sa Samar Provincial Jail (SPJ)
A Press Statement by the
Samar Provincial Jail detainees
May 9, 2015
Pitong
taong paghihirap sa rasyon ng pagkain ang nararanasan ng mga bilanggo
sa Samar Provincial Jail sa kamay ni provincial jail warden Victor
Templonuevo kung saan itinali niya ang budget sa tatlumpong piso (P30)
lamang sa isang araw sa bawat bilanggo. Hilaw na bigas at ulam na
gagawing pagkain ng isang bilanggo tatlong beses isang araw. Ang
napakasakit at makahayop na pagtrato'y ginawa pang negosyo ng warden
sapagkat ito ang nagsusuplay ng rasyon lalung-lalo na ang isda na
madalas ay mabaho at di sariwa.
Batay sa kompyutasyon, imbes P30 ang budget sa isang araw, lumalabas
na dalawampu't isang piso (P21) lamang ang aktwal na napapakinabangan
ng isang bilanggo sa isang araw at ang natitirang siyam na piso (P9)
ang ninanakaw ng warden sa isang bilanggo araw-araw.
Pitong taong pagtitiis ng kalupitan ang dinaranas ng mga bilanggo sa
kamay ng warden bunga sa kawalan ng malinaw at sadyang walang
nakasulat na mga patakaran (written policies) bilang gabay ng mga
bilanggo, na siyang nagiging behikulo ng malawakang pang-aabuso.
Nagbunga rin ito ng pitong taong paglapastangan sa karapatang pantao
ng mga bilanggo at sa maraming pagkakataon ay sa kanilang mga dalaw.
Naging karaniwan na lang ngayon sa SPJ ang pagpapahirap sa mga
bilanggo tulad ng pagkait sa kanilang mga karapatan, iba't-ibang anyo
ng pananakot, walang due process na pagpaparusa tulad ng pag-padlock,
paggiba ng mga kubol, corporal punishment at pagbartolina.
Pitong taong pasimuno rin ang warden sa korapsyon at sangkot sa
maraming anomalya sa loob ng SPJ.
Ginagawang private property ang SPJ, talamak ang imoralidad, pagpasok
ng ilegal na droga, alak, sugal, special treatment sa pinapaborang
bilanggo, negosyo, pagpapasahod sa mga walang trabahong empleyado at
marami pang iba.
Habang pinagmamalupitan ang mga bilanggo, patuloy namang nagkakamal ng
malaking kita ang warden para sa kanyang sarili. Liban sa ninanakaw
niya sa rasyon ng pagkain, nagmamantine pa siya ng babuyan sa loob ng
jail, may mobile store at nagpapautang. Ang babuyan ay malaking
problema sa kalusugan ng mga bilanggo at sanitasyon ng buong SPJ.
Anong klaseng warden si Victor Templonuevo na minamabuti pa ang baboy
kesa tao dahil sa babuyan ay may itinalagang bilanggong alipin na
araw-araw na nagaalaga, naglilinis at nagpapakain sa standard na
pagkain ng baboy. Samantalang ang ipinabartolinang bilanggo nang
walang due process ay sadyang pinagkaitan ng tubig, pagkain, kalusugan,
sanitasyon at dalaw. Malayong mababa pa sa baboy ang turing niya sa
mga bilanggo.
Si Provincial warden Victor Templonuevo ay isang tusong negosyante na
ang nasa utak lamang ay kung paano kumita nang kumita. Upang walang
maging hadlang sa kanyang mapang-api at mapagsamantalang layunin,
tinatakot niya ang mga bilanggo, gumagamit ng bilanggo upang
patahimikin ang kapwa, o di kaya naman ay pinangangakuan ang mga
bilanggo ng wala. Kaba, takot, pag-aalinlangan at desperasyon ang
nararanasan ng mga bilanggo sa SPJ sa loob ng ilang taon hanggang
kasalukuyan.
Ngunit dahil sa lumalalang pang-aapi at pagsasamantala, ang kaba at
takot na nararamdaman ng mga bilanggo ang naging tungtungan ng
pagkakaisa at pagkakapit-bisig upang igiit ang karapatan at ito'y
napatunayan nang matagumpay na isagawa ang mga serye ng protesta laban
sa masamang rasyon ng pagkain, mga maling patakaran at katiwalian
noong nakaraang mga buwan.
Ang nangyayari sa SPJ ay bahagi lamang ng malawakang katiwalian,
pagsasamantala at pang-aapi sa mga bilanggo na nagaganap sa
iba't-ibang piitan sa buong bansa, at ng lipunan.
Ang SPJ ay nasa ilalim ng pamamahala ng probinsyal na pamahalaan. Ang
isang mahalagang sukatan kung anong klaseng liderato ng pamahalaan
mayroon ang isang partikular na lipunan ay kung paano tinatrato ang
mga bilanggo. Ang ginagawa ni Victor Templonuevo ay malaking kahihiyan
sa probinsyal na pamahalaan.
Nananawagan kami sa gobernador ng Samar na gamutin ang malalang sakit
sa Samar Provincial Jail sa pamamagitan ng agarang pagpapatalsik kay
Victor Templonuevo upang isalba ang malaking kahihiyan ng probinsyal
na pamahalaan.
Nananawagan din kami sa lahat ng kamag-anak ng mga bilanggo sa SPJ,
mga kaibigan at mamamayang sumisimpatya na suportahan ang aming
panawagan.
TAPUSIN NA ANG PITONG TAONG PANG-AALIPIN SA MGA BILANGGO NG SAMAR
PROVINCIAL JAIL NI WARDEN VICTOR TEMPLONUEVO!
Maraming salamat!
RENATO BALEROS
Bilanggong Pulitikal
Chairperson, Anti-Repression and Corruption Committee
Samar Provincial Jail